top of page

Pandesal

by kurt

                    Anong gumigising sa iyo sa pagsapit ng umaga? Tiktik-tilaok ba ng manok? ‘Alarm clock’ ba? O baka naman nanay mo na sinisigawan ka na kasi ‘di umano, tanghali na. Pero para kay Pedro, ang gumigising sa kaniya tuwing umaga ay ang kaniyang pandesal. Pagsapit kasi ng alas-cuatro ng madaling-araw, pinapasok na niya ang kaniyang pandesal sa hurnohan. Pagsapit naman ng alas-cinco, ilalagay na niya ang nakapapasong pandesal sa isang malaking istayro na nakaangkla sa kaniyang bisikleta. Nagkakamali ka, mambabasa, kung sa tingin mo ay kuwento ni Pedro ang pokus natin. Subaybayan natin ang kuwento ng magiting na pandesal.

                     Pandesal; pan na nangangahulugang tinapay, at sal na nangangahulugang asin. Pandesal, tinapay na may asin— maalat-alat, masarap-sarap. Bago pa man ito maging pandesal, naging harina muna ito. Harinang hinaluan ng tubig, sinuntok nang paulit-ulit, hanggang sa mabugbog ang kalooban nito. Lingid itosa kaalaman ng nakararami, pero itong pandesal ay siguro masokista. Pagkabugbog sa harinang hinaluan ng tubig na magiging pandesal, lalamasin naman ito. Hihilutin na parang ginagawa ng barbero sa kostumer niyang katatapos lang gupitan. Pagkatapos nito, huhulmahin na hugis pandesal at lulutuin. 

Pandesal, masarap na almusal. May tugma, hindi ba? Tugma rin sa itim na kapeng nagpapamulat sa ating mga mata sa mapait na reyalidad na… kailangan na naman nating pumasok sa eskwelahan o sa opisina. Nakakapagod sigurong maging pandesal… lalo na kung umaga pa lang, pagod na iyong kakain sa’yo. Masaya sigurong maging pandesal… lalo na kung umaga pa lang, ganado nang magserbisyo sa kapwa ang kakain sa’yo. Masaya nga talaga sigurong maging pandesal. Ikaw ang laman ng isip at puso… at tiyan ng mga mahal mo sa buhay. Oo, masayang maging pandesal, kasi minsan, ikaw ang dahilan kung bakit sila nagtatagal sa banyo. 

                        Pandesal: panpan, dede, salsal. Inulit-ulit ko lang iyong mga pantig. Napansin ko kasing paulit-ulit na rin ang mga pangyayari sa buhay mo. Wala na bang bago? Alam ko na! Pandesal… na may palaman! Kumuha ng pandesal; hawakan ito sa gitna; punitin ito; lagyan ng palaman; kainin. Mas sumarap, hindi ba? Ang buhay kasi minsan, kailangan din ng palaman. Iyong tipong makikiliti ka, at mapapahirit sa sarap at saya. Siguro ang ibig kong sabihin, kulayan mo ang buhay mo na parang pandesal na may palaman; iyong makakapagpabilis ng tibok ng puso mo. Iyong parang pandesal na may palaman. Ay, naulit ko pala. 

Pandesal, sinusubo. ‘Pag napalaki ang subo, iluluwa. Sabi nga nila, “don’t bite off more than you can chew”. Sa katakawan kasi ng tao ngayon, kahit ano, isusubo. Kaya ikaw, mambabasa, huwag kang kain nang kain. Oras na para magdyeta. Oras na para bawasan ang mga bagay na nagpapahirap lang sa iyo. Kailangan mo rin ng pahinga. Kain ka ng pandesal, iyong may palaman. 

                          Pandesal; hindi ko na alam ang isusunod ko. Pero ganoon talaga ang buhay. May mga bagay na hindi mo madaraan sa pandesal. Minsan ang buhay, kailangan ng dasal. May pagkakataon kasing may mangyayaring hindi inaasahan…kaya asahan mo na. Paghandaan mo na. Asahan mo nang babagsak ako sa asignaturang ito dahil ganito ako magsulat. Asahan mo nang matatanggal ka sa trabaho kasi hindi ka naman nagseseryoso. Asahan natin ang mga nabanggit upang mapaghandaan natin ang mga iyon. Tignan mo ang pandesal, laging handa. ‘Boy Scout’ pala ‘yon. Hindi, pandesal nga. Tignan mo’t laging handa na sa hapag; nag-aabang na lang ng kakain sa kaniya. 

                           Pandesal; nailabas ko na. Alam n’yo kasi, sinulat ko ito pagkakain ko ng pandesal ni Pedro. Akala n’yo nakalimutan ko na si Pedro? Hindi kaya. Naisulat ko ito habang nag-iisip at nagtatanto ng tungkol sa buhay ko… habang naka-upo sa inidoro. Tapos na ang paglalakbay ng magiting na pandesal. Mula sa hurnohan ni Pedro, hanggang sa inidoro ko, hinding hindi ko malilimutan ang pandesal na nakain ko.

bottom of page