
Para sa mga pilipino
by Mayari
Namamaos na lalamunan sa kahihiyaw
Namumugtong mga mata sa kahihikbi
Gaano karaming tinig ba ang kailangan para kayo’y makinig?
Libo-libong Pilipino na ang nananakawan ng buhay
Kasabay ng pandemyang lumalala kada patak ng oras
Subalit ang hain ninyong plano’y sumusulong pa rin paatras
Sa halip na magligtas ay kumikitil pa gamit ang dahas
Lugmok sa kahirapan ngunit nagagawa niyo pang magwaldas
At sa mga pakiusap, sagot ninyo’y pulos walang kahiyaan
Nasaan ang mga pangako bago kayo maluklok sa upuan?
Nasaan ang inyong puso para sa inyong nasasakupan?
Namamaos na lalamunan sa kahihiyaw
Namumugtong mga mata sa kahihikbi
Minsan pakiramdam ko mas maigi nang huminto
Ang pumikit at tumalikod sa pighating nasa harap ko
Sapagkat sino bang makaririnig sa kakarampot kong tinig?
Saan ba makararating ang napakaraming hinaing?
Subalit
Ang laban nga palang ito’y hindi lamang para sa akin;
Sa likod ng bawat sigaw ay gabundok na layunin—
Hustisya.
Para sa bawat buhay na kinitil,
Para sa bawat paghingi ng tulong
na sinagot ng mga uldog ng kulong,
habang ang mga tunay na kriminal ay naghahari-harian;
Plano.
Epektibong plano bukod sa paghihintay ng bakuna,
Estratehiya para sa ikabubuti ng mga manggagawa,
Ayuda para sa mga walang-wala na;
Pagtupad sa mga pangako,
At higit sa lahat,
Puso para sa mga Pilipino.