60 Segundo ng Pag-usad: Ang Pag-ulat ng Agham sa Pamamagitan ng TikTok
- Xavier Bryce W. Tan
- Feb 24, 2021
- 4 min read
Bigay na bigay sa pagsayaw at walang humpay sa pagpapakitang-gilas ang 28-anyos na si Yanyan de Jesus, isang kinikilalang ‘TikToker’ o gumagamit ng app na TikTok sa bansa. Sa kaniyang TikTok account, matatanaw ang samu’t saring mga bidyo ng sariling umaaarte o kaya nama’y sumasayaw. Sa katunayan, isa na si de Jesus sa mga pinakapatok na personalidad ngayon sa TikTok, kung saan ay mayroon siyang halos 14 milyong followers.
Ayon kay de Jesus, noong una ay sumulong lamang siya sa TikTok bilang isang paraan upang maalis ang kaniyang pagkabagot. Ngunit, maliban sa libangan, dagdag pa niyang nagsilbi na rin itong kaniyang plataporma upang makapagbigay ng saya sa iba. Kwento kasi niya na noon ay nakaranas siya ng depresiyon, at ang panonood umano ng mga TikTok videos ay nakatutulong sa kaniyang maagapan ito.
“If I can’t make myself happy, I want to make everyone else happy. Kasi their happiness makes me happy eh,” aniya nang kapanayamin siya ukol sa paggamit niya ng nasabing app.
Isa lamang si de Jesus sa libu-libong Pilipinong naeengganyo ngayon sa TikTok, isang video-sharing social networking app kung saan ang mga gumagamit nito ay maaaring magpost ng mga maiikling bidyo ng kanilang sarili. Ang mga bidyong ito ay hindi lalagpas ng isang minuto, at maaari itong bidyo nila ng sarili na sumasayaw, kumakanta, umaaarte, o nagbabahagi ng mga saloobin o kaalaman sa iba (Business Mirror, 2021).
Ngunit maliban sa libangan, gaya ni de Jesus ay may mga gumagamit din ng TikTok bilang isang plataporma upang makatulong sa kapwa. Maniwala man kayo sa hindi, isa na sa mga TikTokers na ito ay ang Kagawaran ng Agham at Teknolohiya (DOST) nang sila ay nakipartner sa TikTok upang maitaguyod ang mga pagsusulong sa agham at teknolohiya ng bansa sa buong Pilipinong madla.
Sa pahayag ni DOST Philippine Council for Research and Development Council for Industry, Energy and Emerging Technology Research and Development (DOST-PCIEERD) Executive Director Dr. Enrico Paringit, ang collaboration na ito ay magsisilbing malaking tulong para sa scientific community ng bansa na kumunekta sa taong-bayan upang makahingi ng suporta sa kanilang mga nililikhang teknolohiya.
Pag-uulat ng agham sa bansa, blocked?
Ang pag-uulat ng agham at teknolohiya ay isa nang matagal na problema sa bansa. Bilang epekto, marami pa ring bahagi ng Pilipinas ang nananatiling hindi makasulong sapagkat hindi sila naiimpluwensiyahan ng mga teknolohiyang tiyak namang makapagpapabuti sa kalidad ng kanilang buhay. Subalit bukod pa rito, may kakulangan din pagdating sa wastong pag-uulat ng agham at teknolohiya sa bansa, kaya naman ito ay nagdudulot ng alinlangan sa tao na gamitin ang mga katuklasang ito.
Ganito nga ang nangyayari sa mga magsasaka ng ating bansa, na kinilala ng Philippine Statistics Authority (PSA) na isa sa mga pinakamahirap na sektor ng ating lipunan. Sa pahayag ni Pertiarra (2003), ito ay marahil sadyang ayaw nilang magpaimpluwensiya sa teknolohiya, sapagkat maaari umano itong maghantong sa kanila sa kamay ng mga naglalakihang kompanya.
Sa tala nina Navarro & McKinnon (2020), iilan sa mga dahilan kung bakit hindi naibabalita nang maayos ang mga katuklasan sa agham at teknolohiya sa ating bansa ay dahil walang sapat na oras ang mga dalubagham na isagawa ito, at may kakulangan sa pagsasanay ang mga lokal na manunulat sa paglikha ng mga ulat ukol rito. Bukod pa rito, salik din ang pagkakaroon ng mga Pilipino ng maraming paniniwala at wika, kaya naman hindi madali ang pagpapaliwanag ng agham sa kanila.
Saalang-alang ng mga problemang ito, nakipagpartner ang DOST-PCIEERD sa TikTok noong ika-31 ng Enero 2020 bilang “isang plataporma sa pag-ulat ng agham at teknolohiya sa bansa.”
“Communicating science to the public has always been a challenge for our researchers. As a leader and partner in enabling innovations, we are excited with this collaboration with TikTok as a new avenue for us to share distinct Filipino innovations through this social media platform,” pahayag ni Paringit sa isang virtual launch noong ika-31 ng Enero.
Kaalaman at paligsahan
Ayon sa isang news release mula sa website ng DOST, ang collaboration na ito ay magtatagal umano ng anim na buwan, kung saan ang nasabing kagawaran ay mag-uulat ng mga kaalaman ukol sa agham at mga balita tungkol sa mga katuklasan at teknolohiya sa bansa, at magsasagawa rin sila ng mga paligsahang magtataguyod ng siyensiya sa pamamagitan ng kanilang TikTok account na ang @pinoyscience.
Ang partnership na ito ay magbibigay din sa dalawang ahensiya ng pagsasanay sa mga mananaliksik ng bansa sa paggamit ng TikTok nang mainam nilang maibahagi ang agham sa mga mamamayan sa bansa. Kung tutuusin, isang hadlang sa science communication noon ang kakulangan sa pagsasanay sa mga tao na isagawa ito, ngunit ito ay ngayon nang maitataguyod sa proyektong ito.
Sa kasalukuyan, mayroong 26 na bidyong nakapost sa kanilang TikTok account¸ at isasagawa na rin nila ang kauna-unahan nilang paligsahan – ang #PinoyInnovator hashtag challenge.
Sa challenge na ito ay gagawa ang mga manlalahok ng mga makabagong inobasiyon gamit lamang ang mga pangkaraniwang gamit na mahahanap sa bahay. Magsisimula ang paligsahang ito sa Abril at magtatagal hanggang Hulyo.
Pagkatok sa utak at kakayahan
Maliban sa pagtataguyod ng agham at teknolohiya, naniniwala rin ang TikTok head for Public Policy na si Kristoffer Rada na ito ay isa ring mabuting plataporma upang linangin ang pagkamalikhain at talento ng mga Pilipino.
“We are grateful for the opportunity to partner with the DOST-PCIEERD to help promote awareness and understanding for science and innovation, as well as inspire the Filipino youth to discover their creativity and talents. Inspiring creativity and bringing joy is at the heart of what we do at TikTok,” saad niya.
Isang matagal nang problema ang pagkahuli ng bansa mula sa impluwensiya ng agham at teknolohiya, na siyang humahadlang sa pagsulong nito bilang isang maunlad na lipunan kung saan walang naiiwan. Sa pamamagitan ng pagsangkot ng DOST sa TikTok na siya namang pumukaw sa puso’t isipan ng marami ay maaari nang maging maalam ang mga Pinoy sa mga kayamanang dala ng agham at teknolohiya – isang platapormang magtataguyod ng tunay na pag-usad na inaasam-asam ninuman.
Comments