Isa, Dalawa, Tatlo, Takbo!: Ang Karera ng Agham Tungo sa Pag-unlad sa Pilipinas
- Arvin John B. Flores
- Feb 24, 2021
- 3 min read
Sa mundong puno ng pagbabago at may paligsahan sa pag-unlad ng mga bansa sa larangan ng agham at teknolohiya, mabilis na nga ba ang takbo ng agham sa Pilipinas upang makasabay sa pag-unlad o tila nadapa na ito at nahihirapan na muling bumangon?
Ang Pag-arangkada
Tunay ngang ang pagtakbo ng agham ay nagdala ng malaking pagbabago at pag unlad sa iba’t-ibang sulok ng mundo. Mula sa pagkadiskubre ng apoy at mga kagamitang gawa sa bato ng mga sinaunang tao patungo sa pagkalikha ng mga makabagong instrumento at kagamitan ng mga mananaliksik at imbentor, unti-unting naranasan ng bawat isa na gumaan ang buhay dahil sa patuloy na pag-unlad ng agham. Dahil dito, nabigyan ang bawat isa ng pagkakataon na mag-isip at gumawa ng solusiyon upang gawing posible ang mga imposible sa nakaraan.
Isa ang Pilipinas sa nakararanas ng patuloy na pagtakbo nito patungo sa pag-unlad. Dahil sa agham, maraming sakit ang napigilan at nabigyan ng lunas resulta ng pagkalikha ng mga gamot at bakuna para rito. Bilang karagdagan dito, mas napapadali ang mga gawain ng mga tao sa bansa at nakatutulong ito sa pag-unlad ng ekonomiya dahil sa mga patuloy na pagkabuo at pagkatuklas ng iba’t-ibang mga kagamitan at proseso na makatutulong sa iba’t-bang sektor tulad ng agrikultura at industriya.
Tuloy-tuloy ang mabilisang pagtakbo ng agham sa iba’t-ibang bansa dahil nakita ng nakararami ang magandang epekto nito sa bawat isa. Ngunit sa Pilipinas, ang mabilis na takbo na ito ay tila huminto at naglakad na lamang dahil sa mga iba’t-ibang sagabal na pinagdadaanan upang makamit ang tunay na kaunlaran.
Mga Balakid na dahilan ng Pagbagal
Ang larangan ng agham ay talaga ngang hindi nabibigyan ng prayoridad sa Pilipinas kaya ang takbo nito ay pabagal na nang pabagal sa tunggaliang ito. Ngunit isa sa mga dahilan sa pagbagal ng takbo ay dahil sa mga balakid na humaharang sa pag-unlad ng agham.
Isa sa mga balakid ay ang kakulangan sa kakayahang maipahayag ang mga kaalaman tungkol sa agham. Ayon sa isang pagsasaliksik, marami ang nagiging hamon ng mga tao sa bansa upang magkaroon ng kakayahan na magpahayag ng mga kaalaman tungkol sa agham. Ilan sa mga ito ay ang kakulangan sa oras, mababang kasanayan para magpahayag ng mga ito, at kakulangan sa pinansiyal na suporta upang isagawa ito (Navarro & McKinnon, 2020).
Mababa ang bilang ng mga Pilipinong nais magpahayag ng mga impormasiyon at kaalaaman tungkol sa agham sa kadahilanang kinain na ng sistema ang mga Pilipino na kung sino lang ang may kagustuhan sa larangan ng agham ay sila lang ang kailangang mag-aral nito. Ang pagkakaiba-iba rin ng lenggwahe ay nagiging dahilan upang hindi mapigil ang pagkalat ng kaalaman tungkol sa agham dahil hindi naman lahat ng Pilipino ay bihasang magsalita ng Ingles kung saan ito ang pangkaraniwang ginagamit sa pagpapahayag nito.
Higit sa lahat, ang kakulangan sa badyet na ibinibigay para sa mga proyektong nasa larangan ng agham ay nagiging balakid din sa pagtakbo ng agham para makasabay sa pag-unlad. Ayon sa isang balita na inilabas ng CNN, binawasan ng Department of Science and Technology (DOST) ng ₱76 milyon ang nakalaan na pera para sa pagsasaliksik at pagpapaunlad ng agham sa bansa.
Ang Landas na Kailangan pang Tahakin
Mahabang daan pa ang kailangang takbuhin ng agham dito sa bansa upang makasabay sa pag-unlad ng ibang bansa. Marami ang sumisigaw na bigyan ng prayoridad ito dahil malaki ang maitutulong nito sa hinaharap ng bawat isa at ng mismong bansa.
Ayon kay Jaime C. Montoya, pangulo ng National Research Council of the Philippines (NRCP), kailangang mapunta ang kalahati ng badyet ng gobyerno sa basic research imbes na 20% lang ang napupunta rito. Kailangan ding mas paigtingin ang mga programa o proyekto ng gobyerno na magpapalalim ng kaalaman ng bawat isa tungkol sa agham.
Bumagal man ang takbo, madapa man, o maglakad na lang, ang bawat hakbang ay mahalaga pa rin upang makasabay sa pag-unlad. Kailangan lamang nating magtulungan at ayusin ang mga patakaran upang sabay-sabay nating makamit ang kaunlaran. Tandaan, kung aayusin natin ang ating mga aksiyon sa kasalukuyan, makatatakbo ulit tayo papunta sa kaunlaran ng kinabukasan
Comments