70M Filipino, target ng gobyerno na mabakunahan ngayong 2021
- Quisha Mariz G. Villacorta
- Feb 23, 2021
- 1 min read
Tinatayang aabot sa 70 milyong Filipino ang target na mabakunahan ngayong 2021, ayon kay Carlito Galvez Jr., chief implementer ng National Deployment and Vaccination Plan for COVID-19 Vaccines.
Ayon kay Galvez, inaasahang darating ngayong Pebrero ang unang batch ng bakuna kontra COVID-19 sa Pilipinas. Kabilang sa naturang mga bakuna ay gawa ng AstraZeneca, Pfizer-BioNTech, Sinovac, Novavax, at Clover.
Una nang inaprubahan at niratipikahan ng pamahalaan ang National Deployment and Vaccination Plan for COVID-19 vaccines noong Enero para simulan ang pangangampanya sa pagbabakuna laban sa coronavirus.
Isa itong dokumentong may higit sa 100 pahina na naglalaman ng pitong phase ng plano: pagpili, pag-access, pagpopondo, pag-iimbak, distribusyon ng bakuna, mismong pagbabakuna, at monitoring sa mga nabakunahan.
Kalakip sa planong ito ang mga bibigyang prayoridad sa pagbabakuna at ang mga pamantayan sa ebalwasyon ng mga napiling COVID-19 vaccine. Kabilang sa priority group ay ang mga frontline healthworkers, senior citizens, unipormadong personnel, at ang mga mahihirap na bahagi ng populasyon.
Magtatakda rin umano ng vaccination sites sa mga ospital, health facilities ng gobyerno pati na sa mga pribadong clinic. Isinaad sa plano na maaaring magsagawa ng house-to-house visit ang mga lokal na opisyal para ihatid ang mga indibidwal na rehistrado na para mabakunahan.
Sa huling bahagi ng plano, magkakaroon ng obserbasyon para sa mga epekto ng bakuna na pangangasiwaan ng naatasang surveillance officer sa post-vaccination monitoring area. Ang mga tapos nang nabakunahan ay pananatilihin doon at oobserbahan kada dalawang linggo sa unang dalawang buwan at kada buwan sa isang taon.
"This is a living plan and will be updated as more information becomes available or as recommendations are provided by WHO and UNICEF," nakasaad sa dokumento.
Comentarios