BakUNA: Karerang Dehado
- Fervin Earl L. Chavez
- Feb 25, 2021
- 4 min read
Ang isang maling luksong mala-kuneho ay siya ring usad-pagong na pagbabago sa pandemyang susugpo sa lahi ng sangkatauhan.
Maraming kandidato ang nagpapaunahan at nagtatagisan ng kanilang alok sa pagsugpo ng COVID-19 sa bansa. Iba-iba ang tampok na makatutulong upang tapusin ang dehadong karera ng pandemya sa ating lahat. Aakalaing ito na nga ang simula ng pagtatapos ng ating sigwa, ngunit mas haharap pa pala sa mas mabilis na kalabang paniguradong yamado sa naturang karera. Naging malumanay ang gobyerno sa pagbitbit ng responsibilidad ng taong-bayan at tila iniwan tayong lahat sa gitna ng karerahan para maabot ang dulo ng patulinan. Dahil dito, naging lunduyan ng pagduda ang karera at siguro’y susugal na lang sa kung ano ang mas tama, mas akma, at mas makabubuti sa kanilang kalusugan sa gitna ng pandemya.
Ibinalangkas ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. ang nais nitong makamtan sa programang pagbabakuna. Ninanais ng gobyerno ang magkaroon ng 148 milyong dosis ng bakuna upang matagumpay na mabakunahan ang 70 milyong Pilipino sa loob ng 2021. Sa paghahanda sa pagsuplay ng bakuna, paglalagyan nito, plano ng mga lokal na gobyerno, at master list ng mga mababakunahan, unti-unting umuusad ang bansa sa pagkamit ng bakuna upang mawaksi ang pandemya. Alinsunod na rin ito sa naging pahayag ni Pang. Rodrigo “Roa” Duterte na bakuna lamang ang tanging makatatapos sa pandemya.
Sa 69 bakunang nagsasagawa ng human trials, 20 lamang ang umabot sa huling bahagi ng pagsusuri at ginagawa ng iba’t ibang mga kumpanya ang kanilang makakaya upang makalikha ng bakunang akma sa ninanais nitong resulta sa mamamayan. Ayon sa ulat ni Terry (2020), inisa-isa niya ang katangian ng bawat bakuna at kung ligtas ba itong ilagak sa isang indibidwal.
Kung tutuusin, ang Pfizer-BioNTech at Moderna ang may pinakamalaking efficacy rate na 95% at sila ang mga bakunang may mataas na posibilidad upang malabanan ang banta ng COVID-19 sa ating katawan. Maganda rin ang ipinakitang resulta ng Sputnik V na may
91.4% efficacy rate at Novavax na may 89.3% efficacy rate at epektibo laban sa UK at South American variants.
Mura naman ang Sputnik V at Johnson & Johnson na mayroong halagang $10 at kinakailangan lamang ng isang dosis sa isang indibidwal. Ito ay akma lalong lalo na sa badyet ng bansa at mabibigyan ng maraming oportunidad ang lahat na mabakunahan sa lalong mabilis na panahon.
Hindi kumporme ang mga Pilipino sa aksyong ikinilos ng gobyerno sa gitna ng pandemya. Ito ay nagpakita ng hindi magandang pananalamin sa takbo ng administrasyong Duterte sa bansa.
Nanguna ang Pilipinas sa mga bansang kabilang sa Association of South East Asian Nations o ASEAN na may pinakamababang puna sa naging tugon ng gobyerno sa pandemya. Hindi nasiyahan ang 53.7% ng mga Pilipino sa pagkontrol ng administrasyong Duterte sa pagkalat ng COVID-19 sa bansa. Naging dahilan ang "encourage more scientists and medical doctors to contribute to public policy discussions and heed their advice,” upang maging bukambibig sa mga rumespondeng may nakitang pagkukulang ng gobyerno sa gitna ng pandemya. Ukol dito, mas binigyang pansin ng adminstrasyong Duterte ang kalakasang awtoridad at military kaysa sektor ng kalusugan at agham.
Handang-handa ang gobyerno sa platapormang mass vaccination sa nasasakupan nito. Sa katunayan, nagkaroon sila ng pagsasanay ukol sa pagdating ng 117,00 dosis ng Pfizer-BioNTech sa bansa at nagsibol ng panibagong pag-asa sa lahat upang unti-unting bumangon sa dinalang sigwa ng pandemya. Ngunit, kulang ang inaasahang dokumentong ipapasa ng gobyerno; sanhi upang magkaroon ng ‘slight delay’ sa pagsuplay ng bakuna.
Mas lalong nangangamba ang kalusugan ng mga frontline worker kung patuloy na walang bakunang magsasalba sa kanilang seguridad. Kahit na patuloy ang gobyerno sa paggawa ng paraang makakuha ng bakuna, hindi pa rin ito sapat sa ginagawa nilang hakbang upang mapabilis ang pagkamit nito lalong-lalo na sa pagpasa ng mga dokumentong dapat isumite sa mga kumpanyang manufacturer.
Hindi rin naging maganda ang ikinilos ng Presidential Security Group o PSG ni Pang. Rodrigo ‘Roa’ Duterte sa paggamit ng hindi rehistradong bakuna at pagkonsinte sa mali nitong akto. Sa kabila ng lahat, ‘justified’ ang giit ng administrasyon dahil sa pagkakaroon ng sapat na dahilan upang gumamit ng gamot na hindi pinahintulutan ng Foods and Drugs Administration o FDA. Gusto lamang nilang maprotektahan ang pangulo at binigyang konsiderasyon ang matandang edad nito na mas madaling mahawa sa sakit. Subalit, hindi sapat na dahilan intensyong protektahan ng mga miyembro ng PSG para sa kanilang pangulo dahil, sa katunayan, nagpapakita lamang ito ng pagiging makasarili ng administrasyon sa kanilang pamumuno. Kahit na responsibilidad nilang protektahan ang pangulo, hindi rin dapat makalimutan ang mga batas at polisiyang ipinatupad na dapat ding sundin ng PSG.
Maraming napatunayang ang administrasyong ito na nasa gitna man ng pagbibigay ng siguradong kaligtasan sa buhay ng mga mamamayan o pag-iwan ng responsibilidad sa kanilang nasasakupan. Kung anong laki ng kanilang pagiging malamya sa kanilang responsibilidad ay siya ring laki ng naapektuhan nila sa kanilang bayan. Kung kaya’t dinig sana ng gobyerno ang huwag iwan ang buong bansa sa gitna ng karerahan at akuhin ang bigat ng kanilang nararanasan sa paraang komunikasyon at malinaw na pamamahala. Dahil dito, hindi lamang ang ating kalusugan ang nakataya sa sugal ng karerang ito kung hindi maging ang reputasyon ng ating lahi sa pagkapanalo ng karerang ito.
Kung gayon, sa karerang dehado dahil sa pandemya, bakuna ang solusyon kung gagamitin ang determinasyon ng pagong at bilis sa pag-usad ng kuneho sa isang karerahan.
Comments