Pilipinas, ready ka na ba?
- Christi Jonn Aquino
- Feb 25, 2021
- 3 min read
Sa nalalapit na anibersaryo ng enhanced community quarantine (ECQ) sa bansa, ang mga nagawang aksyon ng ating pamahalaan ay nagpapahiwatig lamang ng kanilang kapabayaan at pagbalewala sa nakamamatay na COVID-19 virus. Ipinasa ang Anti-Terror Law, pinawalang-bisa ang 1989 UP-DND Accord, at dinakip ang 26 na mga Lumad na guro at mag-aaral; mga hakbang na walang kinalaman sa pagpuksa ng virus, at bagkus ay inilalagay lamang sa panganib ang ilan nating mga kababayan. Sa kabila nito, masasabi ba nating tunay nang handa ang bansa sa mga susunod na hakbang laban sa COVID-19?
Sa nakalipas na taon, walang tigil ang pagbibigay-diin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbabakuna bilang natatanging solusyon sa pandemyang dulot ng COVID-19 virus. Ngayong Pebrero, maisasakatuparan na ang kampanya ng ating pamahalaan na malawakang pagbabakuna sa ating bansa. Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., isang layunin ng pamahalaan ang makakuha ng 148 milyong bakuna upang magamit ng 50 hanggang sa 70 milyong katao, sapat sa bilang ng mga mamamayang kinakailangan upang makamit ang herd immunity laban sa virus.
Ang tinatawag na herd immunity ay isa sa mga paraan upang mapigilan ang pagkalat ng nakamamatay na virus. Nakakamit ito sa pamamagitan ng pagbabakuna sa karamihan ng populasyon—sa ating bansa, 60% ang tinatayang bahagdan ayon sa mga eksperto. Dahil dito, hindi tatablan ng virus ang nakararami, mahihirapan itong kumalat, at magiging ligtas din ang mga hindi maaaring bakunahan dahil sila’y napapalibutan ng mga immune.
Upang makamit ito, kinakailangan na ang bakunang gagamitin ay epektibo. Mayroong mga bakunang epektibo, gaya ng Pfizer-BioNTech na may 95% efficacy rate at Moderna na mayroong 94.5%, ngunit marami rin ang hindi, gaya ng CoronaVac na gawa ng Sinovac, isang Chinese na kumpanya, na mayroong iniulat na 50% efficacy rate (Baclig, 2020). Sa kabila ng matataas na efficacy rate ng mga bakuna ng Pfizer-BioNTech at Moderna, tila hindi pa rin sila madaling makuha ng karaniwang Pilipino dahil sa kanilang kamahalan: ang Pfizer na nagkakahalagang ₱2379 at Moderna na umaabot sa ₱4504.
Ang pagiging epektibo at mura ng isang bakuna ang kailangan ng mga Pilipino upang makamit ang herd immunity at mabakunahan pati na ang ating mga mahihirap na kababayan. Dahil dito, isang alternatibo ang Astrazeneca vaccine na nagkakahalagang ₱610 at may efficacy rate na 63.09% (WHO, 2021). Kabilang din ang Astrazeneca vaccine at Pfizer-BioNTech bilang dalawa sa mga bakunang ineendorso ng World Health Organization (WHO), kaya makasisiguro ang nakararami na tunay na epektibo ang bakunang ito.
Sa kabila ng mga hakbang patungo sa herd immunity at malawakang pagbabakuna ng bansa, tila hindi pa rin maaalis sa isip ng iilan kung handa na ba talaga ang bansa sa pagdating ng mga bakuna. Kung tutuusin, nailatag na ang mga plano ng pamahalaan, katulad ng pag-order ng mga bakuna, pag-imbak ng mga ito sa mga cold storage facility, at paghanay sa mga babakunahan. Ngunit hanggang kailan ito magtatagal hanggang sa mayroong maiuulat na katiwalian, pangungurakot, pandaraya, at pamemera kaugnay ng mga bakunang ito?
Makikita natin ang plano ng pamahalaan ukol sa malawakang pagbabakuna sa ating bansa. Ngunit kasabay nito, kailangan din ng mga konkretong batas at parusa sa mga mananamantala at lalabag sa mga karapatang pantao, makakuha lamang ng matagal na nating inaasam na bakuna. Paano natin makakamit ang ating slogan na “We Heal as One” kung napapalibutan ng korupsyon at maling pamamalakad ang isang simpleng bakuna?
Oo, handa na ang ating bansa sa bakuna. Mayroon nang mga pasilidad, mga tauhan, at badyet para dito. Pero hindi pa handa ang bansa sa mga darating na araw kung saan ilalatag na ang bakuna para sa publiko. Hindi rin sapat na hanggang ngayon ay bakuna pa rin ang nakikitang sagot sa pandemyang ito. Hindi rin makatarungan na patuloy pa rin ang pananakot ng gobyerno laban sa malayang pananalita ngayon pang nasa panahon tayo ng pandemya. Hindi nga mamamatay sa sakit, mamamatay naman sa gutom, takot, at kahirapan.
Kinakailangang unahin ng pamahalaan ang karapatan at buhay ni Juan at Juana bago ang kanilang pansariling interes. Nandito nga ang bakuna, pero nandito ba ang pagkakaisa?
Comments