Tanging Taling Kinapitan: Bakuna
- Bianca Marie C. Lim
- Feb 25, 2021
- 3 min read
Bakas sa isang taong nagdaan ang mahigit 500,000 Filipino na nabiktima ng COVID-19 kung saan mahigit 10,000 na buhay ang yumaong walang maayos na libing. Sa ilang buwan ng pamamayani ng pandemya sa bayan, isang tali ang tanging kinapitan ng administrasyon na kanilang paulit-ulit na idinahilang ito lang ang solusyon: ang bakuna. At ngayong malapit nang makakuha ang bansa ng mga ito, nagiging isang palaisipan kung sapat ba ang kalakasan ng bayan upang lubos na mahila ang tanging taling itong kinapitan.
Ipinabatid ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. nitong unang araw ng Pebrero na ang pamahalaan ay nakapaglagda na ng mga term sheet sa limang kompanya ng bakuna kung saan 106 na milyong dosis na ang siguradong makukuha (CNN Philippines, 2021). Isang malaking hakbang ito sa pagsulong at pagsugpo sa pandemya. Ngunit hindi maitatagong maraming humahadlang sa vaccine program ng bansa tulad ng mga antala sa transportasyon at ang paglaganap ng deskyompansa ng publiko sa bakuna.
Kasalukuyang dalawang bakuna pa lang ang may Emergence Use Authorization o EUA sa bansa: ang bakuna ng Pfizer-BioNTech at ang AstraZeneca (Ma. Teresa Montemayor, 2021). Kung malinaw na paghahambingin, ang 95% efficacy rate ng Pfizer ay talagang nakalalamang sa 70% average efficacy rate ng AstraZeneca. Ngunit dahil ang Pfizer ay isang mRNA-based na bakuna na kailangan nakatago sa pintungang may temperatura na -70°C hanggang -80°C, iilang bahagi lamang ng bansa ang may kakayahang mag-imbak ng bakunang ito. Kung kaya’t masasabing mas mainam ang bakuna ng AstraZeneca dahil tugma ang kinakailangan nitong temperatura sa mga imbakan ng Department of Health (DOH) (Tomacruz, 2020).
Ang mga bakunang ito ay talagang isang malaking piraso ng pagsugpo sa pandemya, ngunit handa na ba ang bansa, sapat na ba ang tibay ng pamahalaan upang maiging magsagawa ng mga programang pagbabakuna?
Hindi. Hindi sapat ang kakayahan ng bayan na magsagawa ng mass vaccination. Marami pang mga suliraning hindi nabibigyang-solusyon at marami pang mga butas sa mga aksyon ng administrasyon. Ngunit kahit na ganito, kinakailangan na nating magsimula dahil tulad ng isang marapon, kahit na hindi siguradong makatatapos, kinakailangang patuloy na tumakbo ang bayan at patuloy na gawin ang makakaya. May plano na rin ang COVID-19 task force ng bansa, at sa unti-unting paghakbang, simula sa mga frontline worker at mga matatanda, hanggang sa maabot ang natitirang bahagdan ng populasyon ng Pilipino. Hindi man lubusang handa, kailangang patuloy na sumulong ang masa.
Hindi maitatangging maraming naging pagkakamali ang administrasyon sa maayos na pagpigil sa pagkalat ng COVID-19. Ang makupad na pagpapataw ng travel ban, ang pagpapalit-palit ng lockdown, ang mabagal na pag-aksyon sa mga nangangailangan, at ang tila malinaw na pagkiling ng Pangulo sa bakuna ng Tsina. Hindi sana ganito kalala ang naging sitwasyon ng bansa kung iba ang naging mga aksyon at priyoridad. Ang dating tiwala ng sambayanan sa mga salita ng nakatataas, dahil sa kakuparan ng mga tiwaling kawani ng mga nasa itaas, nadungisan at pangamba na lamang ang dulot sa ilan.
Ganoon pa man, hindi na mababalikan ang nakaraan kung kaya’t ang tanging magagawa ng masa ay lumaban, makipagtulungan, at manatiling edukado sa mga pangyayari sa ating bayan. Pigilan ang pagkalat ng mga huwad na balita hinggil sa bakuna at manatiling kritiko ng pamahalaan dahil ito ang pinakamalaking ambag ng isang karaniwang mamamayan ng isang demokratikong bansa. Ang tanging taling kinapitan ay nandito pa, kaya’t bago pa maputol, sama-samang hilahin hanggang sa madatnan ng bansa ang wakas ng pandemya. Darating ang araw na makakalabas na ang lahat sa kani-kanilang mga tahanan nang walang pangamba, at magsisimula ang pagbuo sa pangarap na ito sa bakuna.
Comments