top of page

“Pa-Siyensiya”: Mga Balakid sa Pag-unlad ng Agham sa Pilipinas

  • Edabuen Darielle A. Untalan
  • Feb 24, 2021
  • 3 min read

Maraming balakid ang kinakaharap ng Pilipinas sa biyahe patungong kaunlaran; at hangga’t naririyan ang mga balakid, patuloy nitong susubukin ang pasensiya ng sambayanang Pilipino.


Ika-20 ng Enero taong 2020 nang maibalita ang unang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas. Sa kasamaang-palad, mahigit isang taon na ang nakalilipas subalit ito pa rin ang pinakamalaking problema ng bansa. Hindi man tumitigil ang mga eksperto at mga frontliners sa pakikibaglaban sa virus na sumisira sa napakaraming buhay, patuloy pa ring dumarami ang bilang ng mga taong pinagdurusa ng COVID-19. Ang lalong paglala ng kalagayan ng bansa ang siyang naging dahilan upang lumitaw ang isa pang suliranin ng bansa: ang pangungulelat ng bansa sa larangan ng agham.


“We’re actually lagging behind some of the big leaders among 10 countries in ASEAN [in research],” paglalahad ni Dr. Raymond Tan, Vice Chancellor for Research and Innovation sa De La Salle University, sa kanyang panayam sa LS talks.


Sinasalamin ng kanyang mga pahayag ang kasalukuyang kalagayan ng bansa ngayong may krisis tayong kinakaharap. Mistulang nakasakay ang sambayanang Pilipino sa isang biyahe kung saan patuloy tayong nahuhuli at walang kasiguraduhan ang pupuntahan.


Lubak na Daan

Patuloy na umaarangkada ang bansa patungo sa progreso. Ngunit habang patuloy na umiikot ang gulong ng buhay, dumadaan ang lahat sa mga lubak at kung minsan pa’y naliligaw. Madalas na dahilan ang hindi pagkakaunawaan kaya’t hindi makarating sa nasabing destinasiyon ang isang sasakyan. At maging sa biyahe patungong kaunlaran, ito ang isa sa mga pangunahing balakid.


Ayon sa pag-aaral na isinagawa ni Navarro at McKinnon (2020) ukol sa mga pagsubok sa pakikipag-ugnayan para sa siyensiya, isa sa mga nakikita nilang problema ay ang pagbabahagi ng impormasiyon sa mga taong hindi gaanong interesado o di kaya’y walang kaalam-alam ukol sa agham. Hindi raw maiparating sa mga karaniwang mamamayan ang mga benepisyong makukuha mula sa isang imbensiyon lalo na kung hindi maunawaan ang wikang kanilang ginagamit sa pagpapaliwanag. Bukod pa rito, kulang ang bilang ng mga nagnanais magpalaganap ng impormasiyon ukol sa agham kaya naman hindi nakararating sa mga mamamayan na nasa malalayo at liblib na lugar ang mga bagong kaalamang ito.


Ilan lamang sa napakarami pang suliranin pagdating sa kaunlaran ng agham ang mga nabanggit. Idagdag pa sa mga ito ang kakulangan sa pondo para sa mga ekspertong naglalayong tumuklas ng mga panibagong kaaalaman na makatutulong sa pag-unlad ng bansa. Ito rin ang pangunahing dahilan kung bakit ang mga siyentipiko ng Pilipinas ay mas pinipiling mangibang bansa sapagkat wala silang nakukuhang suporta mula sa sarili nilang bayan.


Manong Tsuper, Para!

Malaking responsibilidad ang hinahawakan ng mga tsuper sa tuwing magbibiyahe ito. Ngunit kung hindi mapagkakatiwalaan ang tsuper, pumapara ang mga pasahero upang maghanap ng mas mabuting masasakyan.


Ganyan ang estado ng agham sa bansa. Maraming ekspertong umaalis sa Pilipinas sapagkat wala silang nakikitang mga oportunidad sa bansa. Ayon sa balita ng CNN Philippines (2020), kinaltasan ang badyet para sa Department of Science and Technology (DOST) mula sa ₱2.488 bilyon patungong ₱2.411 bilyon para sa taong 2021. Naging napakalaki ng epekto ng pagkakaltas na ito sa kasalukuyang pagresponde ng bansa sa COVID-19. Dahil sa kakulangan ng pondo, maraming clinical trials ang hindi maisagawa lalo na’t malaki ang ginagastos bawat trial.


Ayon sa panayam ng DZAR kay Sec. Fortunato Dela Peña, malaki ang maitutulong ng mga clinical trials upang kahit papaano’y makahanap ng lunas sa ilang sintomas ng COVID-19. Subalit ang pagkakaltas ng badyet para sa DOST at sa mga institusiyong nakalaan sa pananaliksik ay siya rin daw ugat kung bakit hanggang ngayon ay wala pa ring progreso ang bansa.


Pula, Dilaw…Berde?

Sumusulong pa rin hanggang ngayon ang Pilipinas patungong kaunlaran. Isang biyahe kung saan maraming patigil-tigil, pasikot-sikot at maraming mga balakid. Kaya naman para sa mga Pilipinong sakay ng biyaheng ito, tila sila’y nangangamba kung makararating sila sa kanilang destinasiyon o ‘di kaya’y mauuna muna silang maubusan ng pasensiya.#


Recent Posts

See All

Comments


bottom of page